SA HULING ARAW NG PERYA
SA HULING ARAW NG PERYA
Dito sa perya kita
unang nasilayan
Na may tangan
na babasaging baso.
Napanalunan mo marahil
sa paghahagis ng mamiso
sa masisikip na kuwadradong
pinintahan ng numero.
Sa pilantik ng daliri
mo kaya nakukuha ang husay
na magpastol ng mga sentimo
papunta sa kulungang yari ni Pedro?
Dito lang ako sa tuktok
ng aking kalawanging tsubibo.
Sisilipin kitang manalo
sa tabi ni Mariang nangangamot na ng ulo
at ni Nenang naubusan na
ng baryang ibabato.
Konti na ang tasa at platito,
kaserola't yung makinang na kubyerto,
di pa rin masalat
ang paghakot mo ng premyo.
Sige, bato.
Bilis, gulong piso.
Oo! Ikaw nga ang nakita ko
Na humihikbi sa kalsadang
paparito kagabi,
iniingayan ng mga aso
nang sumilip ako
sa aking tsubibo.
Kalat ang bubog sa aspalto,
naging puting abo ang platito,
pinulbusan ang aming kanto.
Dahil siguro hindi nakaya
ng iyong braso ang bigat at dami
ng iyong mga nakuhang premyo.
Pero bakit yung baso lang
Ang iniyakan mo?
Hayaan mo...
Hindi ba't lagi ka namang nananalo?
Tulad ngayon...
Sige, Bato.
Bilis, gulong piso.
"Hoy Pedro! Yung premyo!"
Pero mamaya pag-uwi mo,
sasabay na ako.
Baka kasi hindi mo na naman mahawakan
ang makinang na kubyerto
at yung babasaging baso.
Sayang lang kapag di dumampi sa labi
ang binigay ng pisong iyong pinalatag
sa pulang numero.
Bubuhatin ko lahat ng mga premyo
maliban sa pinakamamahal mong baso.
Iyan ay sa iyo.
Hawakan mo.
Sa ating paglalakad, itatanong ko,
"Ayaw mo bang hayaan sina Maria
at Nenang manalo
para di na mangamot ng ulo
at magkapremyo, at upang may kapalit na rin
ang kanilang milyong sentimo?"
Saka ko idudulas
ang mabibigat mong mga premyo
sa aking braso,
upang mabubog,madurog
at mapulbusan ang aspalto.
Sigurado ako,
walang mag-iingay na aso.
Matitira na lang ang iyong babasaging baso.
Huwag mo akong ibato.
Huwag mo akong ipagulong na parang piso.
Posted by Siquey at 05:08 PM in Mga Tula | gumamit ng banyo

