poso-negro ni siquey...

Entries for February, 2006

February 21st, 2006

ANG PAGHIHINTAY SA INANG NAGTUNGO SA PROGRAMA SA TV NA KAWILI-WILI

ANG PAGHIHINTAY SA INANG NAGTUNGO SA PROGRAMA SA TV NA KAWILI-WILI

Batang nakadungaw sa bintana,
saksi sa pagtuklap
ng nagsusumiksik na sinag
sa itim na ulap, 
tila mga palumpon
ng mga gamit na bulak
tuwing pinapahid ng ina
ang mga kolorete
sa magkabilang pisngi pagkagaling
sa programa sa tv na kawili-wili.

Binting nirarayuma,matang
sinasaputan ng katarata,
at panatang patong-patong
ang sandatang bitbit
ng inang pumipila't sumisingit
para sa bayong na ang lahat
ay  nais masukbit.

Ngunit tinabunan
na ng dilim ang lilim
ng ulap na nagtatangka , palihim
na  naglikom ng kulimlim,
at tuluyan nang iniyakan ng langit
ang anumang nasa ilalim.

Sunud-sunod na patak
ang lumapag,
 lumagapak,
  tumalbog,
   humampas sa yero't
bumagsak,
 lumunod,
  kumayod,
   humagod
sa mga naipong dahong
 inanod,
sinahod sa kalawanging alulod.

Pinanood ng bata 
ang himaton ng takipsilim,
kinikimkim ang inip at lamig,
ang gutom at pananabik
sa sikip at higpit ng yakap;
sa init, sa haplos na hanap
mula sa inang
hindi pa naaaninag.

At nang di na natiis,
telong hinambalang ng kalangitan
ay sinalubong. Dala ang payong,
ang musmos ay lumusong,
kahit pa wala na ang pangakong
pasalubong na bayong.

Posted by Siquey at 12:15 PM in Mga Tula | gumamit ng banyo

site powered by tabulas | Back to Top - selda - kapogihan - katoto - peyborits - nilalaman - kahapon - koneksyon