poso-negro ni siquey...

Entries for September, 2006

September 4th, 2006

Sa langit, walang buwaya

Stephen Robert Irwin
(22 February 1962- 4 September 2006)


 

"He came over the top of a stingray and the stingray's barb went up and went into his chest and put a hole into his heart… It's likely that he possibly died instantly when the barb hit him, and I don't think that he ... felt any pain.”

Steve Irwin's friend and manager John Stainton

Wala kang naramdaman.
Matagal tayong nag-abang.
Ating nakalimutang hindi kayang butasin ng buwaya o ahas ang puso.
Ngunit wala, wala kang pagdaramdam.

Maraming salamat.

Posted by Siquey at 07:11 PM in Mga kwento | gumamit ng banyo

September 7th, 2006

LIRA kalisteniks numero uno

***Since walang masyadong tawag sa opisina, ilalatag ko sa aking poso-negro ang mga nakaraang exercises namin sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Sa abot ng aking memorya, ipapasok ko ang mga komento, at suhestyon ng mga matador ng tula, gayundin ang mga mahahalagang nangyari na sa tingin ko ay karapat-dapat na banggitin hinggil sa mga nangyaring palihan.***

Ito ang unang "pormal" na exercise namin sa LIRA. May ipinagawa sila bago dito, pero parang pampainit lang yun. Si Sir Mike Coroza ang aming chief matador. Nasa likod noon si Sir Rio, kaso hindi na niya naabutan yung pagbasa sa hapon kasi may lakad siya after lunch. Kailangan naming gumawa ng iba't-ibang dalit, tanaga at awit na nasa antas ng tudlikan. Ito ang aking mga nagawa:

Maragsa a + Kung Puso ko ay Mukha

Kung puso ko ay mukha
At titibok sa mutya,
Damdamin kong may sigwa,
Mapansin na n'ya kaya?

Maragsa e/i + L.Q.

Tumiklop man, 'yong ngiti,
At makanti ang sidhi,
Sa'ting bawat paghikbi,
Luhang kristal ang binhi.

Maragsa o/u + Game Over

Hinabol ka't lumayo.
Sa pagtayo'y umupo.
Dating basa'y natuyo
Tapos na ba ang laro?


Malumi a + Payatas park

Kanal ang kanyang lawa
Daliri ay manika
Tuyo man, kanyang dila
'Di s'ya nangungulila.

Malumi i/e + Batas Militar

Tinahi mga labi
Pluma ay itinali
Maging d'yaryo, napipi
'Kinadena ang lahi

Malumi o/u + Kilawin

Ganito ang magluto
Ng kilawing pagsuyo:
Tadtarin, dugo't puso.
Itapon, ibang halo.

Malumay a + Aswang in the city

May sikreto ang dalaga
Sa ilalim ng bestida;
May pangil s'yang rumarampa't
Labi ay dugo ang lasa.

Malumay e/i + Ang Kolektor sa Palengke

Ibang klaseng serpiyente
Ang kolektor sa palengke.
Lahat ng naisin,libre;
Ang sobra, sinasakote.

Malumay ou + Orakulo

Walang k'wentang orakulo
Ang pagsaid sa kaldero.
Mas malaki ang deliryo
'Pag nagsunog ng k’waderno.


Mabilis a + Habulan sa bulsa

May angkin kayang pandama
Ang mga pera at barya?
Tuwing may buwis o multa,
Hindi mahuli sa bulsa.

Mabilis e/i + Pitik-bulag

Kumakaluskos ang gabi
Nang lumisan sa'king tabi.
Mahal,patay man ang sindi;
Ako'y bulag, hindi bingi.
 
Mabilis o/u + Paruparo

Ako ay ang paruparong
umangkin ng iyong mundo,
Ngunit ang hanap kong bango,
Wala pa rin, wala sa'yo.

Mga Katinig + Talikuran sa palikuran

Mahina

Sa aking pag-ire, sa tronong inangkin,
ang bawat pagbagsak, ay may baong hiling:
"H'wag sanang maamoy", dasal kong taimtim,
"Ng musang iniwan, sa kabilang dingding."

Malakas

Ngunit hindi sapat, may nais lumantad,
Wala man siyang amoy,p'wet nama'y pinagpag
Ng alaala kong /hindi ko matanggap
"Puso mo'y may subyang, musa ang sumaksak"

Kung di ako nagkakamali, 11 out of 14 ang marka ko rito. May mga pumalpak siguro sa sukat at tugma, pero maganda naman ang feedback kasi tama naman yung mga salitang ginamit ko para sa meron o walang impit. Yun kasi ang nagiging problema ng karamihan. Mahirap naman talaga siyang makuha lalo na sa aming baguhan. Dapat ding tandaan na hindi pa kami required na magpalalim ng mga metapora dito kasi yung disiplina sa tugma't sukat ang pinupulis nila dito.May kinaasaran nga si Sir Mike na kasama namin kasi nung pinapakatay sa kanya, pumapasok agad siya sa mga imahen na ginamit, e nung siya na naman ang kinatay, puro palpak naman yung mga tula niya.

Posted by Siquey at 11:02 AM in Mga Tula | gumamit ng banyo

LIRA kalisteniks numero dos

Ang second exercise namin sa LIRA ay ang paggawa ng dalawang awit tungkol sa kantina. Dapat ay may sesura, gumamit ng tamang balangkas (pasuhay, pasuysoy, patimbang),  at ang tinig ng tula ay dapat na nagluluksa at nagpapatawa. Narito ang mga utot ko:

Nagluluksa

Wala na ang kinang ng mga kubyertos.
Mga mesa't silya, may kumot na sapot.
'Siniksik ang plato't palayok sa sulok
Ng lumang kantinang hindi ko malimot.

Pagkat alaala'y nakakalat pa rin:
May bakat ng labi't palad sa salamin,
May pait at hapdi ng dilang matalim,
May alat ng luhang tuyo't naging asin.


Nagpapatawa

Sa aming kantina, mayro'ng pag-aaklas;
Mga kasangkapa'y lihim na rumesbak
Dahil nais nila'y lantarang ihayag
Kung ga'no kapalpak, gamit na de-saksak.

Microwave at blender, bodega ang bagsak.
Rice cooker sa kahon, toaster itinambak.
Ang heater gininaw, ang ref ay nilagnat;
Lahat ay lumuhod nang kable'y pinigtas.

Pasado naman kay Sir Rio yung nagluluksang tula. Wala rin namang naging komento yung mga kasama ko kasi madrama daw talaga yung pagkakagawa. Ako na nga mismo ang nagbigay ng komento kasi sa tingin ko ay masyadong sentimental yung pang-apat na linya ng unang saknong (Ng lumang kantinang hindi ko malimot). Kailangan ko daw iyong palitan ng mas makakapagpakita ng kalungkutan --show it, don't tell it-- . Dito na rin pumasok yung objective-correlative na theory ni Sir Rio sa poetics; ang paggamit ng isang physical object para i-represent ang isang emosyon (ata,hehehe).

Halfday lang ako sa palihang ito.Kinailangan ko kasing pumunta sa opisina para maghanap ng ka-swap ng schedule para sa lecture sa susunod na araw. Ok lang naman, kasi alam kong mane-next yung nagpapatawa kong tula kasi inulit ko yung tugmaan ko sa mga saknong. Isa kasi sa mga "batas" ay ang pagkakaiba ng tugmaan sa magkasunod na saknong. Parehong mabilis ang ginamit kong tugma, so palpak na yun.  

Posted by Siquey at 01:09 PM in Mga Tula, Mga kwento | 2 ang nag-flush

site powered by tabulas | Back to Top - selda - kapogihan - katoto - peyborits - nilalaman - kahapon - koneksyon