poso-negro ni siquey...

Entries for July, 2007

July 17th, 2007

Tula: Sa Paghihingalo

Untitled
  
Sa Paghihingalo
ni Charles Bonoan Tuvilla
                                                                  
Tumalikod
na ang doktor, nanlulupaypay 
                ang ulo
ng nakasampay na stethoscope
sa kanyang likod.
  
Kalansay 
ng saranggola ang dextrose
sa aming uluhan,
                nakatusok
ang pisi sa isang pagal na ugat 
sa kamay ni Inay. Sa ilalim,
nagaabang ang pudpod na tsinelas
sa kinasasabikang bigat tuwing umiingit
ang kamang-bakal habang
muli, 
        nakakapit ako sa kamay
na makailang beses ko nang kinapitan --
sa rumaragasang mga mamimili sa palengke ng Murphy,
sa pagakyat sa umaangking dilim ng hagdan ng aming kapitbahay,
sa unang bisita sa dentista.
  
Tapos
nang palitan ng dyanitor ang saplot
ng kabilang kama ngunit sa kanyang 
paglingon,
tila may hinihintay pa rin siyang darating;
mga bagay marahil na kailangang linisin.
  
Ang kanang bahagi ng dambuhalang bintana lamang
ang nakabukas: 
                  pinagdadamutan 
ang pagtatanghal
sa loob ng nakasabit na heringgilyang 
iniimbakan ng mga patak,
habang sa taas may namuong pilak,
hindi nagpapahila sa bingit ng pagbagsak.
  
Kailangan ko pa ng ganitong mga tanawin:
                isang paghahanda
sa ahenteng makikidalamhati sa aking paglabas.

Posted by Siquey at 04:47 PM in Mga Tula | 1 ang nag-flush

July 18th, 2007

(TULA-SALIN) Oda sa Relo sa Gabi

Untitled

Oda sa Relo sa Gabi
(Salin sa tulang Ode to a Watch at Night ni Pablo Neruda)

Sa gabi,
nagliliwanag ang aking relo sa iyong braso, 
tulad ng alitaptap.
Dinig ko
ang kanyang pag-usad:
parang bulong na umahon
mula sa ligaw mong kamay.
Kamay na muling babalik
sa lalim ng aking dibdib
upang likumin ang aking himbing at pintig.

Nagpatuloy ang relo
sa pagputol ng oras
gamit ang talim ng munti niyang lagari. 
Tulad sa gubat,
may mga bahagi ng puno,
munting patak ng dahon, pira-pirasong
sanga, o mga pugad
ang bumagsak
na walang pag-antala sa katahimikan,
na walang pagpatid sa lamig ng dilim,
kaya't
mula sa ligaw mong kamay
nagpatuloy ang relo
sa padaskol na pagputol
ng panahon, ng oras
at minuto,
tila mga dahong nalagas,
mga hibla ng punit na saglit,
mga munti't itim na talahib.

Tulad sa gubat,
nalalanghap natin ang mga ugat,
habang sa kung saan ay bumitaw
sa tubig ang sapat
na patak, parang basang ubas.
May maliit na kiskisang
gumigiling sa gabi,
sa aninong ibinulong ng iyong kamay
na humiwalay, humimlay sa lupa.
Alabok,
lupa, agwat, walang tigil
na gumigiling at gumigiling
ang relo sa iyong kamay.

Pinasilong ko
ang aking braso
sa lilim ng ligaw mong leeg,
sa lilim ng maalab niyang timbang,
at sa aking kamay,
nahulog ang sandali,
ang gabi,
mga mumunting tili
ng kahoy at gubat,
ng hating gabi,
ng bahagi ng anino,
ng tubig na nahulog, nagpapatihulog:
at nahulog ang antok
mula sa relo tungo
sa tulog mong mga kamay,
nahulog na tulad ng itim na tubig
ng gubat,
mula sa relo
tungo sa iyong katawan,
mula sa iyo tungo sa mga banyagang bayan, 
itim na tubig,
mga sandaling nahuhulog
at umaagos
sa ating loob.

At lumipas itong gabi,
anino at kalawakan, lupa
at panahon,
bagay na umaagos at nahuhulog
at natatapos.
At ganito ang paglipas
ng bawat sa gabi sa mundo,
nag-iiwan lamang
ng maalinsangang dapyo.
May dahong nahulog,
bumulong sa lupa
ang kaluskos, habang tulog
ang gubat,
ang sapa,
ang damuhan,
ang kampana,
ang mata.

Dinig ko ang iyong paghinga
giliw,
tayo'y mahimbing.

Image url: http://erlendmork.com/gallery/beforeyourdarkness.shtml

Posted by Siquey at 05:43 PM in Mga Tula | gumamit ng banyo

July 27th, 2007

(Tula-Salin) Musee des Beaux Arts

**Nagbigay ng takdang aralin si Sir Marne sa mga LIRA fellows last week pagkatapos ng comprehensive lecture niya sa translation o pagsasalin. Wala rin namang trabaho masyado sa account ko, kaya gumawa na rin ako ng sarili kong salin. Writing exercise ko na rin. Ang hirap tumae ng tula lately e.**

Oil-tempera, 29 inches x 44 inches. Museum of Fine Arts, Brussels.

Musee des Beaux Arts
by W.H. Auden
 
About suffering they were never wrong,
The Old Masters; how well, they understood
Its human position; how it takes place
While someone else is eating or opening a window or just walking dully along;
How, when the aged are reverently, passionately waiting
For the miraculous birth, there always must be
Children who did not specially want it to happen, skating
On a pond at the edge of the wood:
They never forgot
That even the dreadful martyrdom must run its course
Anyhow in a corner, some untidy spot
Where the dogs go on with their doggy life and the torturer's horse
Scratches its innocent behind on a tree.
In Breughel's Icarus, for instance: how everything turns away
Quite leisurely from the disaster; the ploughman may
Have heard the splash, the forsaken cry,
But for him it was not an important failure; the sun shone
As it had to on the white legs disappearing into the green
Water; and the expensive delicate ship that must have seen
Something amazing, a boy falling out of the sky,
had somewhere to get to and sailed calmly on.
  
    
Musee des Beaux Arts
(Salin ni Charles Bonoan Tuvilla)
 
Hinggil sa pagdurusa, walang pagkakamali
ang mga matatandang guro: gaano kaganap ang pangunawa nila 
sa tungkulin nito; paanong ito'y nagaganap kapag may kumakain o nagbubukas ng bintana
o kahit naglalakad ng makupad;
Paanong, kapag sabik ang mga nakatatanda
sa mahimalang pagsilang, kailangan parating
may mga batang nananaghili't ayaw itong mangyari, naglalaro
sa lawa sa dulo ng gubat:
Hindi nila kinalimutang
maging ang kamartirang katakut-takot ay dapat maisakatuparan
sa isang sulok, sa anumang paraan, sa isang gusgusing pook
kung saan patuloy ang aso sa kanyang kaasuhan at ang kabayo ng berdugo
ay ikinakamot ang puwit sa puno.
Sa Icarus ni Breughel, halimbawa; paanong ang lahat 
ay tila nalibang sa pagbaling palayo sa sakuna; narinig nga siguro ng magsasaka
ang tilamsik, ang hikbi ng tubig,
ngunit para sa kanya, hindi ito makabuluhang kawalan; Bagay na tiyak
ang pagsinag ng araw sa binting naglalaho
sa tubig na lunti; at ang maringal at maselang bapor na nakasaksi marahil
sa isang bagay na kamangha-mangha, lalaking nahuhulog mula sa langit,
ay patungo sa kungsaan at nagpatuloy sa panatag niyang paglalayag.

Posted by Siquey at 08:12 PM in Mga Tula | gumamit ng banyo

July 30th, 2007

Congrats sa TRIBU!!!

"Tribu" is Cinemalaya 2007 best full-length feature filmUntitled

Congrats sa pelikulang "TRIBU" ni Sir Jim Libiran. Malaking Congrats din sa mga Tondo rappers  na sumungkit din sa Best Performance of an Actor award.

Astig kayo!!!

RAP ON!!! 

Posted by Siquey at 08:38 PM in Mga kwento | gumamit ng banyo

site powered by tabulas | Back to Top - selda - kapogihan - katoto - peyborits - nilalaman - kahapon - koneksyon