Nasasanay na ako sa bagong sched ko sa opisina ngayon: 8am-5pm. Parang taga-GSIS lang. Maaga akong nakakauwi ngayon sa kwarto at dahil wala naman akong ginagawa sa kwarto kundi pagtiisan ang ilang malinaw na channels sa naka-tap kong cable, o kaya ay magbasa ng ilang librong nabasa ko na dati, tumatambay na lang ako sa kanto. May bagong tambayan ngayon sa amin. Ito ay ang Pong's rolling store, o mas kilala sa bansag na Balutan. Kapag bumababa kayo sa Staff house, malapit sa Market! Market!, ito ay ang kariton na mukhang tindahan na mukhang karinderya sa kanto ng Lirio. Dito kami inaabot ng madaling araw sa pangaabuso sa nakamamatay na kombinasyon ng Red Horse at Balot. Highblood kung highblood.

Parang buhay ng isang kahon ng sapatos ang Pong's rolling store. Nagsimula lang ito bilang normal na mesa na inilalabas kapag may tagay; isang tablang may apat na paa, may mantsa ng mga nagdaang inuman. Nang naisipang magnegosyo ni Tatay Pong (Ama ni Pareng Puyo), ginawa niya itong patungan ng mga diyaryo sa umaga. Nang naambunan ito, kinabitan ng pansamantalang bubong. Nang kinailangang iiwas sa sikat ng tanghaling-araw, nilagyan ng gulong, at nang nagpumilit sumilip ang sinag o kaya'y bumuhos ang ulan, dinugtungan ng "trapauline" (trapal na tarpauline). Nang napagpasyahan nila Pareng Puyo na magbenta ng lutong ulam, nilagyan ng istante sa ibabaw, at ginawan na rin ng kabinet sa ilalim. Pinahaba na rin ang kabilang dulo nito upang pagpatungan ng lalagyan ng Balot na inilalako naman kapag lumubog na ang araw. Ang sunod na balak ngayon ay kabitan na rin ng ihawan sa isang dulo para magpaisaw kami sa gabi. At siyempre, hindi na rin maiwasang maging kama ito kapag may senglot na at hindi na makauwi. May mga nakatago na rin namang unan sa ilalim nito.



Dito ngayon ang palaging umpukan mula nang tinibag ang basketball court sa dose. Hindi naman kami basta papayag na maubusan kami ng pantagay mula nang hindi na kami makaharang sa basketbol. Kapansin-pansin na ngang parang may "shifting" na rin ang mga tropa; isa lamang ang lumiliban sa bawat isang araw. Kadalasan, Lunes ako absent. Marami kasing trabaho sa opisina nun at di na ako nakakadalaw sa balutan kapag nakahiga na ako sa maasim kong kama. Nawiwili akong tumambay dito dahil sa dami ng nahuhugot kong mga ideya habang nakaupo sa may balutan.

Andami ko pang gustong sabihin kaso nabuburyong na ako. Gusto ko pa sanang idagdag ang mga naiambag sa akin ng balutan, at ang mga nangyari nitong mga huling araw, at mga plano ko sa mga susunod na buwan, pero putangina kasi, hindi ako marunong gumamit ng burador kapag gumagawa ng blog. Nagawa ko na ang buong entry na ito, 1 week ago, pero nawala nung ipopost ko na.Ukinanginangyan. Kaya kapag gusto kong balikan ang mga naisulat ko dati, mas lalo lang akong nababadtrip sa aking katangahan. Lahat ng naisulat sa mga naunang stanza ay parang pilit ko lang inuulit na isulat, kaya ampangit. Sana maikwento ng mga litratong isinama ko dito ang mga gusto ko pang ikwento sa inyo. Sana.


Heto na lang. Basahin niyo na lang itong tula na nagawa mula sa kanto. Naipost na yan dati. Lahat ng nagamit na imahen diyan, nahugot lahat sa Kanto ng Lirio. Lesson: gumamit kayo ng draft kapag mag-blog kayo. Huwag niyo akong gagayahin. Kung gusto pa ninyong marinig ang ilang kwento, text niyo lang ako. Tambay tayo minsan sa Balutan.

Sa Pagtambay
I
May basag na naman
kagabi. Kasama ang ilang tuyong bulaklak
ng naghihikab pang bugambilya, hinakot ko
ang mga bubog. May pipilay-
pilay na pusang tumawid. Nakakainip.
Sana dumating na
ang pansit.
II
Nagbuhat din ako nang
bagong-lipat sila dito. Ngayon,
pinili kong ilabas
ang mga ipinasok ko rin noon. Halos
wala nang natira. Nang mag-isa kong itinawid
ang mesa sa pinto,napunit ang ngiti
ni Mayor sa poster. Ang mahalaga,
nakalusot.
Nakakapagod.
III
Paikot-ikot,
magkatalikod
ang mga askal, nais nang makawala
sa isa't-isa. Nagkasalubong
ang tatlong butiki sa abenida
ng pader. Hinihigop na ng sulok
ang mga anino. Pauwi na
silang lahat.
IV
May pusang
pisa sa gitna: pasador sa hiwa
ng daan. Marahil, huli na
niyang buhay.
Habang mahimbing ang matandang
poste, pinapatahan na rin ang videoke;
"Are you having fun yet?" Sandali na lang,
papatayin na si Sinatra.
Maagang magsasara ang bahay-
aliwan. Maaga-aga rin akong
mag-aabang
muli,
sa pansitan.