poso-negro ni siquey...

March 17th, 2009

TULA: Sa Mga Pagitan ni Charles Bonoan Tuvilla

http://www.flickr.com/photos/alaricyanos/2704562771/

Sa Mga Pagitan

Marahil, angkop lamang na magmungkahi ng simula’t hanggahan: isang silid, may hubad na banig, ang mabigat na langitngit ng pintong nasa bingit ng bukas-pinid. “Tumuloy ka” ang nais kong sunod na sabihin, subalit nakahakbang ka na, ipinasok maging ang sapatos, at nambulabog. Ang ibig kong sabihin, pinunan mo ang namamayaning bulong, nakakulong. Pansinin ang pilapil ng sapot sa kisame, ang pagbibigay-anyo ng sinag sa humuhulagpos na anino. Gaano na nga ba katagal sumisilip ang sariling tsinelas? Sa kabila ng lahat, ang busina tuwing alas siyete ng umaga, na magiliw nating sinasalubong ng ating mga basura.

Pangalanan natin ang mga pagitan; ang puwang sa pagsilang at kawalang-ngalan, mga alinlangang di-winika’t sa lambat ng dila na lamang iniiwan.  Madilim pa, ngunit maliwanag sa ating umaga na:  inilalatag ng matador ang mahimbing at kalahati-na-lamang na katawan ng baboy sa tabla, unan ang duguang sangkalan. Ilang beses na bang nagkulang ang tiyak? Minsan, dumudungaw ang ganap sa mga agwat; kadalasan, lungkot, hadlang: ang butas na tubo sa kalsada, mga alon mulang bakas ng basang gulong sa tag-araw, ang pagpikit ng dalampasigan, ang paghahanap sa mga hakbang. Sapat na ba ang mga patlang? Sa sulok, malaon nang nilipol ng mga insekto ang hukbo ng mga basyo ng serbesa, at tila nagtatapat ang pader na, lagi, sa aki’y may lagusan: balikat, katawan, bintana, hanggahan, pinto, pagitan.

Ganito: madilim ang tabing sa bawat hikbi’t tibok, at sa pamamagitan, nag-uukol tayo ng pagkukulang.  May nasabi ba ako? Ito, katahimikan. Saglit. Dito, ang simula. Nakarating na ba sa iyo ang lumang kuwento tungkol sa pagpapalit-tahanan ng dila at puso? Nauutal ang mga hulagway sa ating paligid, at nagsisimula nang pagdudahan ang mga di-pa-nasabi. Samakatuwid, lalo na ang mga di-na-masabi; tulad nito: kanina, binuksan mo ang bintanang matagal nang tikom at tila kapwa tayo naumid sa buntong-hininga’t daing ng buong silid. Tanghaling tapat at sa huli, taimtim ang nais na huwag malupig ang ngayon at ang loob, nakatanghod, sinisiyasat ang mga buod ng pagsasara: balikat, katawan, bintana, hanggahan, pinto, pagitan.

Posted by Siquey at 11:19 AM in Mga Tula | gumamit ng banyo

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.

Post comment as a guest

Your name:

Your email: (will not be posted publicly)

Your website:



site powered by tabulas | Back to Top - selda - kapogihan - katoto - peyborits - nilalaman - kahapon - koneksyon